Sinabi ni former presidential spokesperson Harry Roque na umalis na siya sa The Hague at kasalukuyang pinoproseso ang kanyang asylum application sa Netherlands.
“Wala po ako sa Hague dahil utos ng ating vice president, atupagin ko muna ‘yung aking asylum,” saad ni Roque sa isang Facebook Live, kahapon, March 20, 2025.
"Ako po ngayon ay isa nang asylum seeker… Ang inaantay ko na lang po ay ang kauna-unahang interview… Ito po ay kabahagi na ng application process. Pagkatapos po nito… malaya na po akong makakabalik doon sa The Hague kasi ang layo po nitong lugar na ito. Hindi naman po kami nakadetina, pupwedeng lumabas…’Yung biyahe kung nasaan ako, apat na oras galing sa The Hague,” dagdag pa niya.
Ayon kay Roque, hindi na siya umano maaaring mapabalik sa Pilipinas dahil sa tinatawag na “non-refoulment,” isang karapatan na parte ng kanyang asylum application.
“Dahil ako ay aplikante na, meron na akong ‘non-refoulment,’ ibig sabihin hindi na ako pupwedeng mapabalik doon sa bansang aking inalisan dahil sa aking political persecution at iyan ay sa bansang Pilipinas,” paliwanag niya.